Muling nagbulsa ng panalo ang No.1 team sa NBA Western Conference na Minnesota Timberwolves, matapos talunin ang Philadelphia 76ers, 112 – 99.
Sumentro ang depensa at opensa ng Wolves kay bigman Karl-Anthony Towns na gumawa ng 23 points 11 rebounds habang 13 points 11 rebounds naman ang naging ambag ng Sentrong si Rudy Gobert.
Nagposte rin ng 31 big points ang point guard na si Anthony Edwards sa naging panalo ng Western confernce best team.
Para sa Sixers, hindi nakapaglaro ang bigman at 2023 MVP na si Joel Embiid kayat pumalit sa kanya bilang sentro si Marcus Morris Sr.
Hindi nagawa ng Sixers na magbuhos ng puntos katulad ng dati nitong ginagawa sa mga nakalipas na laban, habang si Embiid ang nagsisilbing Sentro.
Umabot lamang sa 16 points ang pinakamataas na puntos na naipasok ng mga players ng naturang koponan kung saan tatlong players nito ang nagposte ng tig-16 points.
Bagaman makikita pa rin ang bigat ng depensa ng Sixers, nabanko ito sa mas mababa sa 40% na field goal percentage na siya namang sinamantala ng Wolves, gamit ang halos 50% shooting percentage.
Dahil sa panalo, nananatili pa rin ang Wolves sa taas ng West hawak ang 11 na panalo at tatlong pagkatalo habang 10 – 5 naman ang hawak na kartada ng Sixers.
Ang nagawa ng Wolves na panalo ay ang ikatlong sunod na panalo nito, mula nang matalo ito sa Phoenix Suns, isang linggo na ang nakakalipas.