-- Advertisements --

Kinatigan ng isang health expert ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na papayagan lamang ang modified general community quarantine (MGCQ) kung may bakuna na ang maraming Filipino.

Ito ang naging pahayag ng dating adviser ng National Task Force COVID-19 na si Dr. Tony Leachon, kasabay ng paalalang kailangan pa rin ng ibayong pag-iingat.

Giit nito, ang pagluluwag ay maaari lamang kung bumaba na ang kaso ng COVID, marami na ang nabakunahan at wala nang mga bagong naitatalang hawaan.

Pero sa ngayon, kasalungat umano ng mga ito ang nangyayari, dahil nitong nakalipas na araw lamang ay record high ang new cases, na mahigit 2,000.

May clusters din ng paglobo ng COVID-19 cases, maliban pa sa pagkakaroon ng ilang variant ng deadly virus.

Maging ang ibang grupo ng health workers ay sinang-ayunan ang pananaw ng chief executive, dahil sensetibong hakbang raw ang pagluluwag sa community quarantine.

Sa kasalukuyan, Pilipinas ang isa sa mga bansang may mahabang pagpapatupad ng community quarantine.