Masusing pinag-aaralan ngayon ng mga eksperto sa iba’t-ibang dako ng mundo ang pagiging epektibo ng quarantine period na isinasagawa sa Japan.
Ito ay matapos isailalim sa 14-days quarantine period ang mga pasaherong sakay ng Diamond Princess cruise ship bilang paraan ng Japanese government upang hindi na kumalat sa publiko ang naturang sakit.
Ayon sa mga eksperto, hindi raw sapat ang prevention measures na ipinatupad ng barko ngunit dumipensa naman rito ang World Health Organization dahil masyado pa raw maaga upang magbigay ng konklusyon ang mga ito hinggil sa virus.
Sinabi ni WHO senior epidemiologist Matthew Griffith, dahil daw sa pagiging “moving target” ng coronavirus ay hirap umano silang makakuha ng karagdagang impormasyon tungkol dito at kung paano mapabibilis ang proseso ng pagpapagaling sa mga pasyente.
“Nobody had dealt with this situation before us as a new coronavirus, a new virus onboard a ship with 4000 people. There are no guidelines for that. There are no prior experiences for that,” saad ni Griffitj
Ito’y matapos isiwalat ng National Institute of Infectious Diseases na patuloy pa rin ang pagkalat ng sakit sa mga pasaherong nasa loob ng barko kahit pa pinayuhan na ang mga ito na manatili sa kani-kanilang mga kwarto bilang parte ng quarantine measure.