Inabisuhan ng North Luzon Expressway ang mga motorista sa Metro Manila at mga karatig na rehiyon sa inaasahang pagbigat ng trapiko sa maraming mga pangunahing kalsada, kasabay ng nakatakdang pagbubukas ng FIBA 2023 sa araw ng Biyernes, Agosto-23.
Dahil sa gaganapin sa Philippine Arena sa Bulacan ang opening ceremony, tiyak umanong magkakaroon ng mabagal na trapiko sa mga rutang papunta sa mga Northern Province.
Abiso ng NLEX sa mga motorista, dapat maglaan ng maraming oras ang mga ito upang maiwasang mahuli sa mga nakatakdang lakad.
Kabilang sa mga tiyak na makakaranas ng labis na mabigat na trapiko ay ang Bocaue at Santa Maria area.
Maaari namang magamit ng mga motorista ang ibang ruta upang maiwasang dumaan sa mga nasabing bayan. Kinabibilangan ito ng Marilao Exit at Tambubong Exit, deretso na sa mga mas maluwag na kalsada.
Nauna nang tiniyak ng Samahang Basketbol ng Pilipinas na nakahanda na ang hanggang 400 na sasakyang maghahatid ng libre para sa mga manonood na may hawak na ticket, mula Metro Manila papunta sa mga venue.