-- Advertisements --
Rep France Castro

Nagpahayag ng pagkaalarma ang mga mambabatas na miyembro ng Makabayan bloc sa nirepasong implementing rules and regulations ng Maharlika Investment Fund Act dahil sa mapanganib umanong mga probisyon at kawalan ng masusing pagsusuri.

Sa isang statement, kinuwestyon ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro ang kapansin-pansing pagbabago sa probisyon ng bagong bihis na IRR na nagbibigay sa Pangulo ng aniya’y extended authority.

Saad ng mambabatas na ang pagtanggal sa mahahalagang safeguards at kwalipikasyon sa revised IRR ay nagdudulot ng pagdududa sa posibleng political interference o kawalan ng check and balance.

Ang pagpapalawig ng kapangyarihan aniya ng Pangulo para pumili ng board of directors ay nagdulot din ng pagkwestyon sa independensiya at integridad ng sovereign wealth fund at naglalagay sa kaban ng bayan sa panganib.

Sa ilalim kasi ng nirepasong IRR, binibigyan ng pagkakataon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tanggapin o tanggihan ang mga nominee na inirekomenda ng Advisory Board bilang ang Pangulo ang siyang overseer ng Maharlika Investment Corporation na mamamahaa ng pondo.

Wala ding nabanggit na kwalipikasyon na kailangan para sa regular at independent directors hindi tulad ng naunang IRR kung saan nakasaad na isa sa mga criteria ay dapat na mayroong master’s degree sa finance, economics, business administration o kaugnay pang larangan.

Sa huli, binigyang diin ni Rep. Castro na mas mahalaga ang pagpapanatili ng mahahalagang safeguards at kwalipikasyon kesa sa pagkakatwiran na ginawa para sa mga nasabing mga pagbabago sa IRR kabilang ang pagbibigay ng karagdagang kalayaan sa MIC board.

Subalit, una ng dinepensahan ni House Speaker Martin Romuladez ang revised IRR na aniya’y poprotekta laban sa political interference.

Sinabi din ng House leader na inatasan na ni PBBM ang MIC board na magkaroon ng kasarinlan bilang pagpapakita ng matatag na commitment para sa good governance practices na magpapalakas sa kumpiyansa ng mga mamumuhunana at magi-engganyo ng karagdagang investment para sa ating bansa.