Labis ang kasihayan ni Quezon 5th District Representative Alfred Vargas sa nasungkit na parangal sa 6th Chauri Chaura International Film Festival ng India nitong February 3.
Tinanghal kasi bilang Best Feature Film sa nasabing film festival sa India ang pinagbidahan niyang “Tagpuan.”
Nabatid na producer din siya mismo sa nasabing pelikula na naging isa sa “magic 10” entries sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2020.
Ayon sa 39-year-old actor politician, hanggang tainga ang kanyang ngiti sa naturang magandang balita na patunay na benta pa rin sa international festivals ang talento ng mga Pinoy.
“Tagpuan is the story of Filipinos all around the world. Through this film, we were able to tell our story and share our emotions, culture, sensibilities, and worth to the rest of the world. This Best Feature Film award from an international film festival is an inspiration for me to produce more films that are truly Filipino in spirit and are competitive in quality when placed on the international stage,” ani Vargas.
Kung maaalala, napabalita na hindi umano masyadong pumatok ang nabanggit na MMFF entry ni Direk MacArthur Alejandre pero hindi naman nagsisi si Vargas sa pagsugal kahit patuloy pa ang coronavirus pandemic sa bansa.
Katunayan ay hindi naman daw niya pinangarap na maging box-office na producer, bagkus, nais lang makapagbigay sa publiko ng kakaibang tema ng pelikula.
Nabatid na pumangalawa ang kanilang drama entry na “Tagpuan” sa may pinakamaraming nominasyon na umabot sa 11, ngunit ilan lamang ang nasungkit kabilang ang 3rd Best Picture at Best Supporting Actress para kay Shaina Magdayao.
Patungkol ito sa tatlong tao na pawang naghanap ng pangalawang pagkakataon sa buhay at pag-ibig.
Si Vargas na isa sa principal authors ng Department of Disaster Resilience Bill, ay kabilang sa mga tinukoy ni Pangulong Rodrigo Duterte na umano’y sangkot sa korupsyon pero walang matibay na ebidensya.