-- Advertisements --

Pumanaw na si Judge Frank Caprio, ang kilalang “nicest judge in the world,” sa edad na 88 dahil sa pancreatic cancer.

Ayon sa opisyal na pahayag sa kanyang Facebook page, namatay si Caprio nang payapa matapos ang matagal at mahabang laban sa naturang sakit.

Kilala si Caprio sa kanyang malasakit, kababaang-loob, at paniniwala sa kabutihan ng bawat tao.

Nakilala siya sa programang ”Caught in Providence,” kung saan naging viral ang mga video ng kanyang makataong pagtrato sa mga lumalapit sa korte.

Naging huwaran siya ng awa at katarungan, bagay na iniuugnay niya sa kanyang mga magulang na immigrant mula sa Italy.

Noong Disyembre 2023, ibinahagi ni Caprio sa social media ang kanyang cancer diagnosis at humingi ng dasal mula sa publiko. Ngunit noong Mayo 2024, natapos niya ang kanyang radiation treatment ngunit nagkaroon ng setback at muling naospital kamakailan.

Magugunita pang naglingkod si Caprio bilang municipal court judge sa Providence, Rhode Island mula 1985 hanggang 2023. Bukod sa pagiging hukom, isa rin siyang guro, ama, lolo, at mabuting kaibigan.

“Sometimes you can change somebody’s life just by placing your hand on your shoulder and telling them you believe in them,” ani Carpio sa isang interview noon.

Ilang buwan bago siya pumanaw, inilathala pa niya ang aklat na Compassion in the Court: Life-Changing Stories from America’s Nicest Judge, kung saan ibinahagi niya ang mahahalagang aral tungkol sa kabaitan at pag-unawa sa kapwa.

Naiwan ni Caprio ang kanyang asawang si Joyce Carpio, 60, limang anak, pitong apo, at dalawang apo sa tuhod.