Tiniyak ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang pakikiisa nito sa pagtupad ng 2023 energy initiatives ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na binanggit sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong Lunes.
Nangako ang NGCP na itutuon nito ang lahat ng kakayahan ng ahensiya tungo sa mabilis na pagkumpleto at pagsasagawa ng mga proyekto.
Ayon kay Anthony Almeda, President at CEO ng NGCP, plano nilang gamitin ang strategic partnership nito sa State Grid Corporation of China (SGCC).
Ito ay bilang pagkilala sa kahalagahan ng renewable energy at ang pagtaas ng antas nito sa iba’t-ibang mga pinagmumulan ng kuryente sa bansa.
Gamit ang malalim na kaalaman ng SGCC sa renewable energy integration, umaasa ang NGCP na palalakasin nito ang mga kakayahan ng ahensya para mapabilis ang paglipat sa renewable at sustainable energy sources.
Dahil sa pakikipagtulungan sa SGCC, ang NGCP ay may kakayahang mapaunlakan ang mas mataas na antas ng paggamit ng renewable energy technologies sa national grid ng bansa.
Binigyang-diin ng pamunuan ng NGCP na kanila din inuna ang pagpapabuti ng disaster-resilience o tibay ng grid infrastructure laban sa mga natural na sakuna.
Nangako sila na paiigtingin pa ang pag-upgrade ng mga kagamitan at maging ang pagsasanay sa mga tauhan nito upang lalong mabawasan ang disruptions o pagkagambala sa supply ng kuryente sa panahon ng sakuna, at kung maapektuhan man ay mas mabilis din ang pag-aayos.
“Nakikiisa kami sa sentimyento ng Pangulo. Bago pa man ang SONA, kumikilos na ang NGCP tungo sa mga plano at pangarap na kaniyang binanggit,’ pahayag ni Almeda.
Sinabi ni Almeda, kabilang sa mga pangunahing prayoridad sa agenda ng NGCP ay ang mabilis na pagkumpleto ng Mindanao-Visayas Interconnection Project (MVIP) at Stage 3 ng Cebu-Negros-Panay Interconnection Project (CNP3). Ang parehong proyekto ay bahagyang may kuryente na, at ang MVIP ay tuloy-tuloy sa layunin nitong maging fully-energized na may 450 megawatts (MW) sa ikatlong quarter ng taon.
Nananawagan ang NGCP sa lahat ng Local Government Units (LGUs) na palawigin ang pakikiisa sa bawat proyekto sa pamamagitan ng agarang pagbibigay ng kaukulang permit at angkop na suporta pagdating sa mga isyu ng right-of-way, na dati nang naging hadlang sa maayos na pagpapatupad ng mga programa ng NGCP.
“Muli, kami ay nananawagan para sa tinatawag ng ating presidente na ‘cohesive, centralized, and systematic approach’ sa pagpaplano ng mga proyekto, kabilang na rito ang para sa sektor ng enerhiya na may layunin ng stability, resiliency, at independence. Ika nga ng ating Presidente sa kaniyang obserbasyon na lahat man ng ating layunin ay kayang-kayang makamit, ‘hindi ito kayang tuparin ng iisang tao, iisang ahensya ng gobyerno, o ang buong gobyerno mismo, kundi ang nagkakaisang pagkilos at pagsisikap ng bawat Pilipino,” ani Almeda.