-- Advertisements --

Nanawagan ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ng mas malaking pamumuhunan sa mga baseload power plants mula sa mga lokal na pamahalaan upang matugunan ang patuloy na tumataas na demand sa kuryente sa Visayas.

Ayon sa NGCP, naitala noong Mayo 14 ang pinakamataas na konsumo ng kuryente sa Visayas na umabot sa halos 2,780 megawatts. Dahil dito, kinakailangan pang kumuha ng dagdag na suplay ng kuryente mula sa Luzon at Mindanao upang matugunan ang pangangailangan ng mga consumer.

Sinabi rin ng NGCP na karamihan sa mga Yellow Alert at Red Alert sa Visayas ay dulot ng biglaang pagtigil ng operasyon ng ilang power plants. Kapag nagdeklara ng Yellow Alert, nangangahulugan itong manipis na ang reserbang suplay ng kuryente.

Samantala, ang Red Alert ay nangangahulugang kulang na ang produksyon ng kuryente na maaaring magresulta sa rotational brownout.

Ipinaliwanag din ng NGCP na bagama’t patuloy ang paggamit ng renewable energy tulad ng solar power, hindi parin ito sapat upang matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng kuryente, lalo na kapag may namumuong sama ng panahon.

Dahil dito, nanawagan ang NGCP sa pamahalaan at mga lokal na opisyal na suportahan ang pagtatayo ng mas maraming baseload power plants o mga planta na kayang magbigay ng tuloy-tuloy na suplay ng kuryente anumang oras at anumang lagay ng panahon.