Aabot sa P110 billion ang gagastusin ng Duterte administration para sa salary increase ng mga empleyado ng gobyerno kabilang na ang mga nurses at guro sa susunod na tatlong taon.
Sinabi ni House Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda na ang salary increase na ito ay kabilang sa proposed Salary Standardization Law (SSL) 5.
Ayon kay Salceda, hindi na kailangan pa ng bagong buwis para mapunan ang pondong gagamitin sa SSL 5.
Kapag naipatupad, tataas ng 15 porsiyento sa loob ng tatlong taon ang sahod ng mga ito.
Sa ilalim ng 2020 budget, P32 billion aniya ang alokasyon para sa wage increase at P4 billion naman para sa miscellaneous benefits na kabilang sa unang tranche ng SSL 5.
Para sa second tranche nito, aabot sa P36.630 billion ang kakailanganin ng gobyerno, habang P36.753 billion naman para sa ikatlong tranche nito.