Kakausapin ni AFP Chief of Staff Lt. Gen. Cirilito Sobejana si Solcom Commander at NTF-ELCAC Spokesperson Lt. Gen. Antonio Parlade kaugnay ng umano’y pagbabanta nito na maaring mademanda ang isang reporter.
Sa panayam kay Sobejana, kaniyang sinabi na ang AFP ay protektor ng mga mamayan maliban kung sila ay napatunayang kalaban ng Estado.
Ayon sa Heneral, bagama’t nagsalita si Parlade bilang spokesperson ng NTF-ELCAC, bilang isang opisyal ng militar, ang kanyang mga aksyon ay nag-re-reflect din sa AFP.
Ang pahayag ni Sobejana ay matapos niyang sabihin na ititigil na ng AFP ang pag-red tag ng walang ebidensya.
Ang nasabing isyu ay may kaugnayan sa Facebook post ni Parlade kung saan inakusahan ng heneral bilang isang “propagandista” ang reporter ng Inquirer dahil sa istorya tungkol sa petisyon sa korte Suprema ng mga katutubo na umano’y tinorture ng militar.
Sa naturang post, itinanggi ni Parlade na may nangyaring ganung insidente at sinabi na maaring idemanda ang mamamahayag dahil sa pagtulong sa mga terrorista sa pamamagitan ng pagkakalat ng kasinungalingan.
Ayon naman kay AFP Spokesperson MGen. Edgard Arevalo, may natanggap silang ganuong reklamo subalit wala namang maipakitang ebidensiya ang mga complainants.
Sinabi ni Arevalo, hindi gawain ng mga sundalo na mag torture ng sibilyan lalo na at labag ito sa kanilang mandato.
Ayon naman kay Sobejana, makikipag-usap din ang AFP sa iba pang mga unibersidad upang maayos ang isyu na may kinalaman sa “academic freedom”.
Ayon kay bagong AFP Chief, kailangang mag-usap ang militar at ang mga unibersidad upang maiwasan ang hindi pagkakaunawaan.










