CEBU CITY – Nakakulong na ang isang high value target matapos itong makuhanan ng halos P10 million na halaga ng shabu sa buy bust operation sa Jones Avenue, Barangay Sta. Cruz sa Lungsod ng Cebu.

Kinilala ang regional level target na si Norman Flores Burgos, 37-anyos na nakatira sa Barangay Hipodromo ng nasabing lungsod.

Ayon kay Police Master Sergeant Ramonito Canaca ng Abellana Police Station, nahuli ang drug suspect matapos isinailalim sa dalawang buwang surveillance.

Nakuhanan si Burgos ng mahigit isang kilo ng shabu at may “DDB” value na P9.6 million.

Dagdag pa ni Canaca na baguhan ang suspek pero kaya na nitong makapag-disperse ng isang kilo ng shabu linggo-linggo sa Cebu at Bohol.

Nahaharap ang target sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.