Na-rescue ng mga operatiba ng Paranaque police ang isang Chinese businessman na iligal na ikinulong ng kapwa niya sa isang kwarto sa 1 Aseana Ave., Entertainment City, Tambo, Paranaque City.

Arestado rin ang mga suspeks na sina Tao Xioag, 31, lalaki, at Yifei Liao, 28, lalaki, habang at large ang isa pang suspek na subject ngayon ng manhunt operation.

Kinilala naman ni Southern Police District director C/Supt. Tomas Apolinario ang biktima na si Yin-Chin Chou, 37, binata, isang turista at negosyante na naka-billet sa V-Hotel, Malate, Manila.

Batay sa ulat, nakatanggap ng tawag ang Taipei Economic & Cultural Office (TECO) sa Paranaque City Police Station dahil sa ulat na illegal detention na nangyayari sa Solaire.

Dumating sa bansa ang biktima na si Yin-Chin noong June 11, 2018 at ikinulong ng kapwa Chinese dahil sa umano’y pagkakautang nito ng P300,000 dahil sa pagsusugal.

Hiling ng mga suspek sa mga kamag-anak nito sa Taipei ang malaking halaga kapalit ng kalayaan ng biktima.

Kaya dito na humingi ng tulong ang mga kamag-anak ng biktima sa PNP.

Sa ngayon hinahanda na ang mga dokumento para sa pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga suspek.