(Update) BACOLOD CITY – Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga pulis kaugnay sa pagpatay sa isang negosyante sa Narra Avenue, Barangay Villamonte sa lungsod ng Bacolod kahapon ng hapon.
Ang biktima ay kinilalang si Roland Tan, residente ng Ayala North Point, Talisay City, Negros Occidental at may-ari ng Crown Agri-Trading Corporation.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Major Renante Jomocan, hepe ng Bacolod Police Station 4, papasok na sana ng kanyang sasakyan ang biktima nang ito ay binaril ng tatlong suspek na nakasuot ng face mask sa harap mismo ng kanyang tindahan.
Limang tama ng bala ang natamo ng biktima sa kanyang dibdib, tenga at balikat at idineklara itong dead-on-arrival sa ospital.
Ayon sa mga nakasaksi, tumakas ang mga suspek sa pamamagitan lamang nang paglalakad.
Sinabi pa ng hepe, tinutukoy pa nila ang motibo sa pagpatay sa negosyante.
Tiniyak naman ng Bacolod City Police Office na magsasagawa ng malalimang imbestigasyon upang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Tan.