-- Advertisements --

(Update) GENERAL SANTOS CITY – Hawak pa rin ng pulisya ang negosyante na may hawak sa 1,379 bundle na ukay-ukay na nagmula pa sa abroad

Ayon kay P/Capt. Brent Salazar, hepe ng San Iidro Police Station, nahaharap sa paglabag sa commercial importation of textile articles o ukay-ukay base sa Republic Act 4653, ang negosyante na si Maribel Lee.

Si Lee ay residente ng Davao City at pansamantalang nakatira sa Villa Consuelo Subdivision, City Heights nitong lungsod.

Kinumpirma rin ni Salazar na sa bisa ng search warrant na pinalabas ni Regional Triall Court 58 Judge Joyce Kho Mirabueno, nakumpiska sa bodega na pagmamay-ari ni Lee ang nasabing mga bundle ng ukay-ukay na may market value na halos P20 million.

Laman umano ng nasabing mga kahon ang mga “preloved” na damit at sapatos na nagmula sa South Korea.

Nabatid na nasa lugar ang negosyante kasama ang ibang opisyal ng barangay at media nang pinasok ang bodega nito sa National Highway Barangay City Heights nitong nagdaang araw.