Inaasahang ipagpapatuloy na ang negosasyon kaugnay sa Code of Conduct (COC) sa pinagtatalunang karagatan kasama ang West Philippine Sea sa Pilipinas sa Agosto ayon kay Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo.
Sa idinaos na Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Post Ministerial Conference 10+1 Session sa Indonesia noong Huwebes, malugod na tinanggap ng DFA chief ang pagkumpleto ng ikalawang pagbasa ng Code of Conduct Single Draft Negotiating text at umaasang maipagpapatuloy na ang pag-uusap sa naturang dokumento sa susunod na buwan.
Dumalo dito ang top diplomats ng 10 miyembro ng regional bloc at China.
Kaugnay nito, nananawagan si Manalo para sa pagpapalakas pa ng kooperasyon sa pagitan ng ASEAN countries at China sa iba’t ibang usapin.
Umapela din ito ng epektibong pamamahala at mapayapang pagresolba sa mga hidwaan salig sa international law.
Naglabas naman ang ASEAN at China ng isang joint statement kung saan nangako ang mga ito sa pagpapabilis ng pag-uusap sa matagal ng naantala na Code of Conduct.
Ang code of conduct ay isang legally binding document na layuning mapigilan ang conflicts at mapanatili ang stability sa disputed water kabilang ang West Philippine Sea kung saan apat sa miyembro ng ASEAN gaya ng Brunei, Malaysia, Pilipinas at Vietnam ay mayroong territorial claims sa lugar kasama na ang China.