-- Advertisements --

Aabot sa $10.94-billion halaga ng financing agreements para sa COVID-19 efforts ng pamahalaan ang nakuha ng Pilipinas, ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA).

Sa isang statement, sinabi ng NEDA na kabuuang 19 na kasunduan ang nadagdag sa Official Development Assistance (ODA) portfolio ng Pilipinas hanggang noong Agosto 5, 2020.

Sa naturang bilang, 16 rito ang loans habang tatlo naman ang grants.

Sinabi ni Acting Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua na makakatulong ang naturang halaga para sa mga Pilipino, gayundin sa budget priorities sa pagtugon sa health crisis ngayong 2020 at 2021.

Sa ilalim ng mga batas sa Pilipinas, ang ODA ay maaring isang loan o grant na gagamitin sa pag-promote ng sustainable at economic development at welfare ng bansa.

Mababatid na nitong buwan lang ay sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na wala nang pera ang Pilipinas para bigyan ng ayuda ang mga mahihirap.

Para naman kay Finance Sec. Carlos Dominguez III, may pera pa naman ang Pilipinas, pero limitado na ang paggastos nito dahil hindi na maaring sumobra ang gastos kumpara sa kinikita.

Sa ngayon, plano ng pamahalaan na itakda ang cap ng deficit ng hanggang 9% ng gross domestic product mula sa dating 3.5% lamang noong 2019.