-- Advertisements --
NEDA

Nagpahayag ng pagsuporta ang National Economic and Development Authority (NEDA) sa mosyon ng Senado na permanenteng ipagbawal na ang Philippine offshore gaming operators (POGOs) sa buong bansa.

Paliwanag ni NEDA Secretary Arsenio Balisacan, malaki ang umano’y kabayaran o social costs ng pagkakaroon ng mga POGO hub sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ang impact aniya ng mga krimen at iba pang nauugnay na isyu sa mga POGO ay mas mabigat kumpara sa benepisyong naibibigay ng mga ito sa pamahalaan.

Pagdidiin ni balisacan, nais ng NEDA na magkaroon ng ligal at kalidad na pamumuhunan sa bansa, na kayang makapag-produce ng sapat at tamang serbisyo sa pamahalaan ng walang negatibong impact sa komunidad.

Marami din aniyang mga mamumuhunan ang nakahandang pumasok sa bansa na kayang saluhin ang anumang impact sa ekonomiya sa pagtanggal sa mga POGO hubs.

Maalalang sampung Senador ang unang bumoto pabor sa tuluyang pagbabawal sa mga POGO sa bansa, sa pangunguna ni Sen. Sherwin Gatchalian.