Humingi nang paumanhin si National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Karl Kendrick Chua sa nangyaring technical glitch sa unang araw ng online registration para sa national ID system noong Abril 30.
Sa isang panayam, sinabi ni Chua na inaako niya ang responsibilidad sa nangyaring aberya, pero umaasa siyang pakikinggan ng publiko ang kanilang paliwanag tungkol dito.
Ayon kay Chua, nagkaroon ng technical issues dahil sa hindi inaasahang bilang ng mga aplikante.
Sinabi nito na ang sistema nila ay para sa 16,000 simultaneous users kada minuto, na may kakayahan na tumaas hanggang 35,000 users kada minito.
Pero noong Abril 30, umabot sa 46,000 users kada minuto ang gumagamit ng kanilang sistema.
Aminado ang kalihim na hindi sapat ang kanilang kapasidad, kaya naman nangangako itong kanilang aayusin ang kanilang sistema upang sa gayon ay maiwasan na mangyari ulit ang naranasang aberya kamakailan.