Nilinaw ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na wala silang kinalaman sa paghinto ng Philippine National Police (PNP) sa paglalabas ng datos hinggil sa mga nasawi sa Bagyong Odette.
Ayon kay NDRRMC spokesperson Mark Timbal, walang request ang kanilang tanggapan maging ang Office of Civil Defense sa PNP na itigil na ang paglalabas ng kanilang mga ulat sa death toll.
Una nang sinabi ni PNP spokesperson P/Col. Roderick Augustus Alba na ang dahilan kaya hindi muna sila maglalabas ng datos ay para hindi na nagugulo ang datos ng NDRRMC.
Malayo kasi ang agwat ng datos ng PNP at NDRRMC sa bilang ng mga namatay, nasugatan at nawawala.
Nabatid na nasa mahigit 300 na ang nasawi sa tala ng PNP, habang mahigit 100 pa lang ang napaulat na binawian ng buhay sa NDRRMC at siyam pa lang dito ang kumpirmado.
Biniberipika pa kasi ng NDRRMC kung may kinalaman talaga sa bagyo ang lahat ng mga sumakabilang-buhay.