Tumaas sa 16 ang naiulat na bilang ng mga namatay dahil sa malakas na pag-ulan na nagdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa sa Mindanao, batay yan sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong Linggo.
Ang pinakahuling situational report NDRRMC ay nagpakita na ang lahat ng 16 na naiulat na mga nasawi ay nagmula sa Rehiyon ng Davao.
Tatlong indibidwal din ang nanatiling nawawala, habang 11 ang sugatan.
May kabuuang 772,276 katao o 204,840 pamilya sa 508 barangay sa Northern Mindanao, Davao Region, Soccsksargen, Caraga, at BARMM ang naapektuhan ng mga pag-ulan na dala ng Northeast Monsoon (Amihan) at ng isang low-pressure area ngayon.
Sa bilang na ito, 91,079 indibidwal, o 24,212 pamilya, ang inilipat sa 341 evacuation centers; habang 318,365 indibidwal, o 94,595 pamilya, ang humingi ng pansamantalang tirahan sa ibang lugar.
Mayroong 97 kalsada at 14 na tulay sa Davao at Caraga Regions ang hindi pa rin madaanan.
Iniulat din ng NDRRMC ang P2,610,000 halaga ng pinsala sa 26 structures sa dalawang rehiyong ito.
Apatnapu’t pitong bahay din ang lubos na nasira, at 44 ang bahagyang nasira.
Sa ngayon, 36 na rain-induced landslides at 134 na insidente ng pagbaha ang naiulat kasunod ng malakas na pag-ulan, kung saan 113 klase at 34 work schedule ang nasuspinde.
Sinabi rin ng NDRRMC na P10,912,767 halaga ng tulong ang naipamahagi na sa mga apektadong residente. Ang tulong ay binubuo ng family food pack, modular tents, at iba pang sleeping kit.