Magtatalaga ng nasa mahigit-kumulang 9,500 na mga pulis sa buong Metro Manila ang National Capital Region Police Office (NCRPO) para sa balik-eskwela sa August 22.
Ito ay bilang bahagi pa rin ng pagtiyak sa seguridd ng publiko partikular na ang mga estudyante makikibahagi sa muling pagpapatuloy ng face-to-face classes sa bansa.
Ayon kay NCRPO chief Police Brigadier General Jonnel Estomo, nakatakda niyang makipagpulong sa mga unit commanders upang talakayin ang kanilang magiging operasyon para sa darating na pasukan sa susunod na linggo.
Samantala, bukod dito ay sinabi rin ni Estomo na mas paiigtingin rin ng pulisya ang mga operasyon sa random checkpoints at police visibility sa buong rehiyon.
Matatandaan na una rito ay ipinahayag na rin ng Philippine National Police (PNP) sa katauhan ng tagapasalita nito na si PCol. Jean Fajardo na nasa 23,000 naman na mga kawani ng PNP ang kanilang ide-deploy sa buong Pilipinas para magpatupad naman ng seguridad at kapayapaan para school year 2022-2023.