-- Advertisements --

Itinanggi ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na hinaharang nila ang hiling ng militanteng grupong Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) na makapag-rally sa harap ng Saint Peter Parish sa Quezon City kasabay ng State of the Nation Address (SONA) ng pangulo sa Lunes, Hulyo 27.

Nilinaw ni NCRPO spokesperson Hazel Asilo na wala silang otoridad sa pag-apruba ng mga lugar na pagdarausan ng rally kayat wala aniyang basehan ang paratang na hinaharang nila ang isasagawang protesta.

Aniya, limitado lamang ang kanilang saklaw sa pagpapanatili ng kaligtasan at seguridad sa venue.

Giit ng NCRPO officer na ang mga lokal na pamahalan ang tanging may otoridad na mag-apruba ng rally permits, tutukoy sa mga grupong maaaring magsagawa ng rally at magtalaga ng mga lugar kung saan maaaring isagawa ang rally.

Ipinaliwanag naman ni Asilo na hindi na pinapayagan ang mga demonstrasyon sa Saint Peter Parish noon pang mga nakalipas na taon.

Ginawa ng NCRPO ang paglilinaw matapos silang akusahan ng BAYAN na hinaharang ang kanilang hiling na makapagsagawa ng protesta at iginiit din ng grupo na malayo ang target rally site mula sa Batasan Complex kung saan nakatakdang i-deliver ng pangulo ang kaniyang SONA.

Umapela rin ang grupo kay NCRPO Director PMajor Gen. Anthony Aberin na huwag makilaam sa usapan sa pagitan ng organizers, lokal na pamahalaan at iba pang stakeholders para magkaroon ng kasunduan na magsagawa ng rally.

Hinimok din ng grupo ang publiko na magtipun-tipon sa Hulyo 27 at ipagpatuloy ang panawagan para sa totoong pananagutan, hustisiya at makabuluhang pagbabago sa lipunan.