Tiniyak ng pamunuan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na wala silang natatanggap na anumang terror threat kasunod ng pagdeklara ng “heightened alert” status sa kalakhang Maynila.
Ayon kay NCRPO chief, P/C/Supt. Guillermo Eleazar na mas mainam na nakahanda sila sa anumang posibleng mangyari.
Sinabi ng heneral na magtatalaga ng regular na checkpoint upang pangalagaan ang kaayusan at kapayapaan lalo na ang mga pampublikong lugar gaya ng terminals, seaports, airports at iba pang ‘places of convergence.’
Tiniyak din ni Eleazar na magiging magalang ang pakikitungo ng mga pulis sa publiko sa pagpapatupad ng checkpoint.
Hinikayat din niya ang kooperasyon ng publiko para ipagbigay alam ang mga kahina-hinalang tao sa Team NCRPO text hotlines Globe – 09158888181, Smart – 09999018181.
Ang pagtaas ng alert status ng NCRPO ay bunsod sa nangyaring napakalakas na pagsabog sa Lamitan City, Basilan na ikinasawi ng 10 indibidwal, habang walo ang sugatan.
Bukod sa NCRPO, nasa full alert status naman ang PNP ARMM.
Samantala, nilinaw ng PNP na ang mga nangyaring pagsabog ay hindi terror attack, wala din kuneksiyon sa isat-isa.
Tatlong pagsabog ang naitala sa tatlong lugar sa bansa ngayong linggo.
Ayon kay PNP Spokesperson P/S/Supt. Benigno Durana, walang dapat ikatakot ang publiko dahil ang nasabing hakbang ay preemptive measures lamang ng pulisya.