-- Advertisements --

Nangunguna ang National Center for Mental Health (NCMH) sa mga ospital na may pinakamaraming health workers na tinamaan ng coronavirus disease (COVID-19) sa bansa, ayon sa Department of Health.

Sinabi ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire na may 65 healthcare staff ng nasabing pagamutan ang nakumpirmang infected ng sakit. Mula sa nasabing bilang, 36 pa ang naka-quarantine, habang tatlo na ang gumaling.

Bukod sa NCMH, mataas din ang naitalang bilang ng DOH sa infection sa health care workers ng Research Institute for Tropical Medicine at National Kidney Transplant Institute.

Ilang ospital pa sa Metro Manila ang natukoy ng Health department na may mga kaso ng COVID-19 sa health care staff tulad ng East Avenue Medical Center, Mandaluyong City Medical Center, Tondo Medical Center, Amang Rodriguez Memorial Medical Center, Rizal Medical Center at Dr. Jose Fabella Memorial Hospital.

Pati na sa mga pagamutan sa Luzon ay may health care workers ding infected sa sakit, kabilang na ang Bataan General Hospital at Baguio General Hospital.

“Muli naming binibigyan ng diin na ating health care workers ang mga bagong bayani kontra sa digmaan ng COVID-19, at ginagawa natin ang lahat upang sila ay maprotektahan at mabigyang kaligtasan. Ngunit sa labang ito kailangan pa natin ng mas maraming health care workers na maging bagong bayani at kaakibat natin sa paglilingkod sa bayan,” ani Vergeire sa virtual presser noong May 1.

Sa kabila nito, naghatid ng magandang balita ang DOH dahil nitong Linggo raw ay lumabas ang resulta ng Ospital ng Maynila kung saan lahat ng kanilang staff ay negatibo sa COVID-19.

Tiniyak ni Usec. Vergeire na maayos na naipapatupad ang protocols sa mga ospital para msigurong ligtas ang frontliners laban sa infection ng sakit.

“Regular namang nagpapaalala ang DOH sa mga ospital, pampubliko man o pribado, na i-check ang imbentaryo ng kanilang mga PPEs. Bukod dito, patuloy din ang paglabas ng DOH ng guidelines tungkol sa tamang infection, prevention and control measures.”

“Ito ay mga protocol, hindi lamang sa paggamit ng PPE, ngunit lahat ng mga hakbang na dapat gawin upang maiwasan ang pagkakahawa-hawa sa COVID-19 at iba pang sakit; base ito sa mga rekomendasyon ng WHO at ating mga eksperto.”

“Laging nasa isip namin ang kapakanan ng health care workers sapagkat sa kanilang mga kamay nakasalalay ang kaligtasan ng bawat isa sa atin.”