Balak ngayon ng NBA na buksan na ang ilan sa mga team practice facilities sa mga lugar kung saan medyo niluluwagan na ang stay-at-home restrictions sa gitna ng COVID-19 pandemic, ayon sa isang report.
Ipinagbabawal pa rin ng liga ang organized team activities pero papayagan naman ang voluntary workouts.
Marso 11 nang suspendihin ng NBA ang mga laro nang magpositibo sa COVID-19 si Utah Jazz center Rudy Gobert.
Sa ngayon, hindi pa rin malinaw kung ipagpapatuloy pa ang 2019-2020 session dahil sa COVID-19 pandemic.
Nabatid na sa ngayon, niluwagan na ng Georgia ang kanilang stay-at-home order, kaya hindi malabo na buksan na ng Atlanta Hawks ang kanilang mga pasilidad sa mga susunod na araw.
Maging ang Oklahoma, na siyang balwarte ng Oklahoma City Thunder, ay kabilang sa mga estadong niluwagan na ang kanilang stay-at-home order. (Reuters)