VIGAN CITY – Tila nahulaan na umano ng mga basketball fans sa Canada ang pagkatalo ng Toronto Raptors laban sa Golden State Warriors sa Game 2 ng NBA (National Basketball Association) Finals.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Bombo International Correspondent Marnie Campos na tubong Abra ngunit nagtatrabaho bilang program facilitator ng isang senior retirement home sa Barrie City, Ontario province, bago pa ang Game 2 ay hati na ang prediksyon ng mga basketball fans sa Canada.

Mayroon aniyang nagsabi na mananalo pa rin ang Raptors laban sa Warriors ngunit mas lamang ang mga nagsabi na matatalo sila ng Warriors dahil tiyak na dinoble ng mga ito ang kanilang opensa at depensa.

Ayon kay Campos, maaaring natakot o naalarma ang Warriors sa laro ng Raptors noong Game 1 kaya mas naging agresibo silang manalo.

Samantala, sinabi pa ni Campos na nakapagtala ng record ang Raptors sa pagkakaroon ng pinakamahal na NBA finals game ticket dahil aabot daw sa USD 55,500 ang isa o katumbas ng mahigit sa P2 milyon.