KALIBO, Aklan – Malaki ang pasasalamat ng dating aktor na ngayon ay isang negosyante na si Martin Jickain matapos na isauli ng isang tricycle driver ang kanyang nahulog na pera na P25,000 sa isla ng Boracay.

Sinabi ng 48-anyos na driver na si Wilfredo Zausa, residente ng Brgy. Yapak sa isla na habang hinahatid ang dalawang pasahero sa Brgy. Balabag ay napansin niya ang isang plastic sa kalsada at nang tingnan ay nakita niya ang maraming pera.

Masaya umano si Jickain nang magkaharap sila at maibalik ang kanyang pera na hindi na niya inaasahan na maibalik pa.

Napag-alaman na mula si Jickain sa kanyang restaurant nang mahulog ang pera sa kanyang bulsa habang sakay ng golf cart.

Bilang pasasalamat, binigyan ni Jickain ng token si Zausa sa kanyang pagiging tapat.