Nakatakdang iprisinta ng Department of Justice sa harap ng korte ang mga sinumpang salaysay ng mga bumaliktad na suspect na sangkot sa pagpatay kay Governor Roel Degamo noong March 4 ng kasalukuyang taon.
Sa isang pahayag, sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, korte na umano ang bahala na magdesisyon sa mga affidavit na kanilang ipiprisinta.
Kung maaalala, umabot na sampu ang naghain ng Affidavit of Recantation maliban sa isa pang suspect.
Ayon kay Remulla, malaya naman itong sinumpaan ng mga akusado sa harap ng mga abogado at kanila itong pinanindigan.
Iginiit din ni kalihim na halatang may sabwatan ang mga bumaliktad na akusado dahil pare-pareho ang kanilang mga sinasabi at biglaan ang kanilang recantations.
Sinabi pa ng opisyal na inaasahan na nila ang ganitong senaryo at siniguro na matibay ang kanilang hawak na ebidensya laban sa mga akusado.
Hindi rin aniya ito makakaapekto sa development ng kaso kaugnay pa rin sa pagpatay sa gobernador ng Negros Oriental.