Ibinahagi ng National triathlon team ng Pilipinas na pinag-iinitan ito ng bansang Cambodia sa ginanap na Southeast Asian Games.
Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay triathlon coach Roland Remolino, sinabi nitong wala naman umano siyang nakikitang pandaraya ng host country gayunpaman, dismayado ito dahil halos lahat ng kayang atleta ay na-penalty kahit sa maliit na kadahilanan.
Sinabi pa nito na hinahanapan umano ng butas ang mga triathletes kung saan kabilang sa na-penalty ay si Andrew Kim Remolino na nag-early start umano ngunit kitang-kita pa aniya sa video na hindi naman.
Si Raven Faith Alcoseba naman ay nakakuha ng penalty dahil lang umano sa cap ng bote ng tubig habang si Kim Mangrobang naman aniya ay napenalty matapos tinanggal ang helmet at nilagay sa box ngunit lumukso sa labas.
Maliban pa dito, inamin ng triathlon coach na hindi rin nila inaasahan ang mga import ng bansang Cambodia na kanilang mga nakalaban kaya nahihirapan silang talunin ang mga ito.
Sa kabila ng mga hirap na pinagdadaanan, masaya pa rin itong nakapag-uwi pa rin ng mga medalya ang triathlon team ng Pilipinas kung saan tatlo ang ginto, dalawa silver medal at 1 bronze medal.
Ngayong nakabalik na sa bansa ang koponan, ibinunyag nito na bakbakan na agad umano ang kanilang isasagawang pag-eensayo para naman sa lalahukang kumpetisyon ng mga ito sa bansang Japan.