new clark city stadium

VIGAN CITY – Nakatakdang magtungo sa New Clark City sa Capas, Tarlac ang aabot sa 50 national technical officials sa larangan ng athletics para sa gaganaping 30th Southeast Asian Games sa bansa sa susunod na buwan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Ronel Ubaldo, isa sa mga napiling national technical officials sa larangan ng athletics, at kaisa-isang nanggaling sa Ilocos Sur, sinabi nito na sa October 19 hanggang 23 umano isasagawa ang refresher course para sa kanila.

Pagkatapos aniya nito ay magkakaroon ng pre-competition sa mismong venue ng sporting event.

Ipinaliwanag nito na isa siya sa mga masuwerteng napili ng Philippine Amateur Track and Field Association bilang national technical official dahil napansin umano siya ng mga international technical officials nang nag-obserba sila sa Palarong Pambansa na naganap sa Davao City noong buwan ng Abril.

Napag-alaman na si Ubaldo ay tatlong taon nang nagsisilbing technical official ng Palarong Pambansa.