Tuloy-tuloy na raw ang pakikipag-ugnayan ng National Privacy Commission (NPC) sa ilang websites na naka-link sa online gambling at cryptocurrency.
Kasunod na rin ito ng kanilang hirit na magpaliwanag ang mga ito sa posibilidad na pagkakasangkot sa pagkalat ng targeted text scams sa bansa.
Sinabi ni NPC Public Info at assistance Chief Roren Marie Chin na base sa inisyal na imbestigasyon, lumalabas na ilang links at uniform resource locators (URLs) na nakasama sa personalized spam messages ay nagdidirekta sa mga users sa mga gambling at cryptocurrency sites.
Dahil dito, kailangan daw ipaliwanag ng mga websites na hindi naman tinukoy ng komisyon kung bakit konektado sa ipinapadalang mga mensahe ang kanilang mga URL.
Sa ngayon, hindi pa raw alam ng NPC kung saan nila gagamitin ang mga personal information na nakalap ng mga nagpapadala ng mensahe.
Pero nagbabala naman si Chin na posibleng ang mga impormasyon na kanilang nakuha ay maging daan para makagawa ng kaparehong account para siraan ang mga biktima at puwede rin umanong para mag-create ng account para naman makakuha ng pera sa mga bank account o payment apps.
Kapag napatunayang may papel daw ang mga website na ito sa pagkalat ng mga text scams, ay kakasuhan ang mga ito ng kasong paglabag sa Section 25 ng Data Privacy Act o Unauthorized Processing.
Posible silang mamultahan nang hanggang P2 million at makulong ng hanggang tatlong taon.
Ang mga perpetrators ay puwede ring makasuhan ng administratibo at magmulta ng P5 million.
Una rito, nakikipag-ugnayan na rin ang NPC sa telecommunication companies at iba pang government agencies gaya ng National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police at Cybercrime Investigation and Coordinating Center para sa “intelligence sharing” at tuluyan nang maresolba ang problema ng scam messages.
Ipinag-utos na rin ng National Telecommunications Commission (NTC) sa mga telcos na i-deactivate ang mga URLs, links at quick response (QR) codes sa mga text messages kabilang na ang personalized text scams.
Pinabibilis na rin ng NTC ang pag-block sa mga SIM cards sa pamamagitan nang inisyung memorandum.