BOMBO DAGUPAN – Nagpahayag ng reaksyon ang National Intelligence Coordinating Agency (NICA) sa rekomendasyon ni United Nations Special Rapporteur on Freedom of Opinion and Expression Irene Khan na buwagin ang anti-communist task force ng gobyerno, at sa halip ay ipasa umano ang batas para protektahan ang human rights defenders.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay General Manny Orduña, ang Assistant Director General for Operation ng nasabing ahensya, hindi naman alam ni Khan ang nangyayari sa buong Pilipinas kaya wala umano sa lugar si Khan upang magrekomenda ng naturang bagay.
Matatandaang binuo ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC noong Disyembre 2018 sa bisa ng Executive Order 70 ni dating pangulong Rodrigo Duterte, bagay na layong tapusin ang armadong paglaban ng New People’s Army (NPA), ang sandatahan ng Communist Party of the Philippines (CPP).
Pagpapaliwanag ni Orduña, ang isinusulong nito ay unity dahil ito ay isang whole of nation approach.
Simula nang ilunsad ito, mayroon noong 89 na aktibong guerilla front sa buong Pilipinas at unti unting nabawasan nang bumaba si Duterte sa pagkapangulo.
Sa kasalukuyan, 13 na ang mga guerilla fronts sa buong Pilipinas at wala na umanong aktibo.
Taong 2022 palang aniya ay may ilang grupo na na gustong buwagin ang NTF-ELCAC dahil nasaktan sila na ito ang pinaka-angkop na estratehiya na nabuo ng gobyerno upang tuldukan na ang problemang ito.
Dagdag pa ni Orduña, sakaling matapos na ang kaguluhan sa nasabing communist group, inaasahang magkakaroon na ng unity, peace at development, ito naman aniya ang motibo ni Khan ngunit nilinaw nito na wala naman nang nangyayaring gyera.
Giit pa nito na ang mga komunista lang naman ang gumagawa ng isyu na ikasisira ng mga lider ng Pilipinas.
Hindi naman kailanman nan-red tag ang pamahalaan.