Pinagtibay ng House Committee on Housing and Urban Development ang substitute resolution na nagdedeklara ng housing crisis sa Pilipinas.
Natukoy sa pagdinig ng komite na pagsapit ng 2022 ay lolobo sa 6.7 million units ng bahay ang kailangan ng mga Pilipino.
Ayon kay Negros Occidental Rep. Francisco Benitez, chairman ng komite, layon ng inihain nilang resolusyon na himukin ang housing agencies na i-streamline at bilisan ang pagtatayo ng mga bahay, pati na rin ang paggawad ng mga ito sa mga mahihirap na pamilyang Pilipino.
Inaasahan kasi na lalo pang dadami ang mangangailangan ng bahay sa susunod na taon dahil na rin sa vulnerability ng bansa sa mga kalamidad at epekto ng climate change, na nakikitang dahilan kung bakit maraming pamilya na nakatira sa danger zones ang inaasahang lilipat ng tirahan.
Ilan sa mga nakikitang dahilan ng kongresista kung bakit mabagal ang housing development sa Pilipinas ay ang red tape kung saan 27 opisina, 78 permits, 146 na lagda, at 373 dokumento ang kanilangan pagdaanan, na inaabot ng dalawa hanggang sa apat na taon bago pa man masimulan ang isang socialized housing project.
Para naman kay House Committee on People’s Participation Chairperson and San Jose Del Monte City Rep. Florida Robes, tumaas ang bilang ng mga informal settlers sa mga lungsod sa kanila ng iba’t ibang batas para sa housing production ay dahil sa pagtaas ng populasyon, urban-rural migration at pagtaas din ng halaga ng urban land.
Sa kanilang lungsod lang halimbawa, nasa 40 relocation projects ang itinayo ng national government at mahigit 150 pang residential subdivision.