-- Advertisements --
National Flag Day 2021 2
photo from Bombo Dave Pasit

NAGA CITY – Hanggang ngayon ay palaisipan ang kinaroroonan ng pinakauna at makasaysayang watawat ng Pilipinas.

Ito ang kinumpirma ni Mark Anthony Glorioso, Shrine Curator II sa Museo ni Jesse Robredo sa panayam ng Bombo Radyo Naga, kaugnay ng pagdiriwang ng National Flag Day kahapon.

Ang naturang watawat ay natapos umano noong 1898 sa Hong Kong at dinala sa Pilipinas ng noo’y Pangulo na si Emilio Aguinaldo.

Dagdag pa ni Glorioso, ginamit ito sa giyera sa Alapan sa kaparehas na taon.

Aniya, matagal nang nawawala ang orihinal na watawat na pinaniniwalaang noong umatras si Aguinaldo papunta sa Pampanga.

May mga nagsasabi rin na ang watawat ay nasa isang museo sa Baguio ngunit nang tignan ng National Historcal Institute noong 1996, gawa lang ito sa cotton na tela.

National Flag Day 2021 3

Taliwas ito sa paglalarawan ni Marcela Mariño Agoncillo, isa sa tatlong babaeng nagtahi ng watawat, na ito ay gawa sa silk.

Dagdag pa ng shrine curator na posibleng hawak na ng Estados Unidos ang makasaysayang watawat dahil kinuha raw ng mga sundalo ng Amerika ang noo’y mga nakumpiskang bandila.

Samantala, binigyang-diin ni Glorioso na mahalagang maibalik ang nawawalang watawat dahil mayroon itong malaking bahagi sa kasaysayan ng bansa.