-- Advertisements --

Aabot sa 17 rehiyon ang lumahok sa pinakamalaking event ng Bureau of Fire Protection, ang 7th National Fire Olympics, na ginanap sa South Road Properties nitong lungsod Cebu.

Ito ay isang 2-day event na nagsimula kahapon, Marso 16 hanggang 17, kung saan maglalaban-laban ang mga bumbero sa aktibidad na may kinalaman sa pag-iwas sa sunog.

Dinaluhan ito ni Senator Ronald “Bato”” dela Rosa na siyang nagsindi ng torch para sa pagsisimula ng mga paligsahan.

Una nang isinagawa kahapon ang Search and Rescue Attack (SARA),Hose Relay, at Fire Ground Search and Rescue Challenge.

Ngayong araw naman, tatapusin ang natitirang paligsahan gaya ng Blitz Attack, Tug of War at BFP Band Musiklaban.

Sa kanyang talumpati, ipinahayag ni dela Rosa na naging hamon sa kanya ang pagpasa sa Republic Act 11589 na kilala rin bilang BFP Modernization Act.

Nais pa nitong magkaroon ng mga armas ang mga miyembro ng Bureau of Fire Protection para sa kanilang seguridad.

Nangako naman ang dating PNP chief na sa kanyang termino, pag-aaralan niya ang BFP law kaugnay ng kanilang revenue collection.