Nangako ang National Electrification Administration (NEA) na tutugunan ang pang-araw-araw na 20 oras na pagkawala ng kuryente sa Occidental Mindoro.
Ayon kay National Electrification Administration administrator Antonio Mariano Almeda sa isang press conference, siya mismo ay magtutungo sa Occidental Mindoro upang personal na makita ang kasalukuyang sitwasyon sa lugar.
Ginawa niya ang anunsyo matapos isailalim sa state of calamity ang Occidental Mindoro dahil sa pagkawala ng kuryente.
Aniya, ang National Electrification Administration ay ang siyang magpapaupa ng power plant para madagdagan ang power upang matugunan ang kakulangan nito.
Iniulat din ni Almeda na naglabas na ang Department of Energy ng certificate of exemption o EPSA (emergency power supply agreement) na nagpapahintulot sa gobyerno na pumasok ng kontrata sa iba pang ahensya para sa karagdagang supply ng kuryente.
Inatasan na rin niya ang mga kooperatiba na may hawak ng apat na unit ng modular generator sets na may tig-dalawang megawatt capacity na ipadala ito sa Occidental Mindoro Electric Cooperative (Omeco) para magbigay ng agarang supply ng kuryente para sa mga ospital at pampublikong paaralan.