Muling pinayuhan ng National Electrification Administration ang mga Electric Cooperative sa mga lugar na maaaring maapektuhan ng Supertyphoon Egay na magsagawa na ng nauukol na aksyon bago pa man ang mga malalakas na pag-hangin na dulot ng nasabing bagyo.
Pinapatiyak ng ahensiya na gumagana ang Emergency Response Organization upang kaagad mai-deploy, oras na kailangan ang serbisyo ng mga ito.
Pinapatiyak din ng National Electrification Administration na may sapat na kagamitan at mga buffer stock na kinakailangan, oras na kailangan ng restoration sa mga feeder na nawalan ng kuryente.
Pinayuhan naman ng ahensiya ang mga ito na kagyat na tulungan ang mga komyunidad na mawawalan ng supply ng kuryente, pagkatapos ang nasabing bagyo.
Paalala ng NEA sa mga ito, agad na mag-submit ng damage and power situation reports sa NEA Disaster RIsk Reduction and Management Department upang kaagad ma-asses ang kalagayan ng mga apektadong lugar.
Maalalang nitong nakalipas na linggo ay nauna nang naglabas ang NEA ng abiso sa lahat ng mga Electric Cooperatives sa buong bansa na imonitor ang lagay sa kani-kanilang lugar, kasabay ng pagbabanta noon ng Supertyphoon Egay.