-- Advertisements --

Natuloy ang national council meeting ng PDP-Laban ngayong araw sa Cebu City matapos na ipinatawag ito ni Pangulong Rodrigo Duterte, ang kanilang chairman.

Kasunod na rin ito nang hindi pagkakaunawaan sa pagitan nina PDP-Laban president Sen. Manny Pacquiao, at vice-chairman na si Energy Sec. Alfonso Cusi.

Kabilang sa personal na dumalo sa Cebu ay sina Cabinet Secretary Karlo Nograles, Cebu Governor Gwen Garcia at si Cusi.

Ang iba naman sa 159 na mga miyembro ng partido na dumalo sa naturang meeting ay nakibahagi na lamang sa video teleconferencing.

Sa naturang pulong, sinabi ni Nograles na wala naman siyang nakikitang conflict sa kanilang partido.

Hindi aniya ito national assembly kundi council meeting lamang, na ipinatawag ni Cusi, sa basbas ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Nauna nang nanawagan si Pacquiao as mga miyembro ng partido na huwag pansinin ang panawagan ni Cusi para sa pagkakaroon daw ng isang “national assembly” ngayong Mayo 31.

Sinabi niya sa inilabas niyang memorandum circular na hindi dapat dumalo ang mga miyembro ng pagdinig sa imbitasyon ni Cusi sapagkat hindi aniya ito panahon ngayon ng politika.