-- Advertisements --
NBI

Tiniyak ngayon ng National Bureau of Investigation na patuloy nilang pinalalakas ang mga reklamo laban sa mga pumatay sa broadcaster na si Percy Lapid.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Philippines kay NBI Supervising Agent Eugene Javier, sinabi nitong bukas pa rin sila para sa mga gustong magbigay ng impormasyon kaugnay ng pagkamatay ni Lapid.

Kasabay nito hinikayat ng opisyal ang mga mayroong hawak na ebidensiya o may kinalaman sa krimen na ipagbigay alam sa mga otoridad.

Marami umano ang mga nagbabahagi ng kanilang salaysay na mga concerned citizens ukol sa nasabing insidente ngunit pinag-aaralan pa daw nila ito kung talagang makakatulong sa usad ng nasabing kaso.

Aniya, bukas naman daw ang kanilang ahensya sa mga bagong impormasyon na makakalap nila ngunit kinakailangan munang iassess ng maigi dahil hindi umano ito isang mababaw lamang na kaso ng pamamaslang.

Una rito sinabi ni Javier na inihirit na rin nila ang court warrant para mabuksan ang mga hawak nilang cellphones para sa posibilidad na makakuha dito ng impormasyon bilang ebidensiya sa pamamaslang kay Lapid.

Ang mga makukuhang impormasyon na nakapaloob sa cellphone ay sinasabing malaking tulong para idaan sa forensic examination na makakapag-patibay pa ng kaso laban sa mga kinasuhang masterminds.

Samantala, kinumpirma naman ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na may nakuha silang bagong impormasyon na posibleng magpalakas pa sa kaso laban kay suspended Bureau of Corrections Director General Gerald Bantag.

Sinabi ni Remulla na noong Setyembre 9 na graduation ng mga person deprived of liberty (PDL) sa bilibid ay absent si Bantag.

Paliwanag ng kalihim, ang nasabing araw ay ang mismong araw na pumunta si Percy Lapid sa bahay ni Bantag sa Laguna para videohan ang sinasabing malaking bahay nito at maraming mamahaling sasakyan.

Dagdag ni Remulla, base sa nakarating sa kanilang impormasyon, sa galit ni Bantag ay umuwi ito sa bahay niya sa Laguna dahil sa naging hakbang ni Lapid at dahilan kaya hindi na ito naka-attend pa sa graduation ng mga pdl.

Napakahalaga aniya ng impormasyong ito dahil ang nasa graduation ay ang mga board of trustees ni Bantag na ang ibig sabihin ay mahalagang event ito para sa BuCor subalit hindi ito nagpakita.

Punto ng kalihim September 15, inilabas ni Lapid ang video at September 17 nagsimula ang pagpaplano na patayin ang mamahayag.

Dahil dito ay naniniwala ang kalihim na mayroong nag-uugnay sa lahat ng impormasyon na kanilang nakukuha at ang hindi pagbalik ni bantag sa graduation sa bilibid ay sumisimbolo malalang galit nito sa ginawa ni Lapid.