BUTUAN CITY – Ipagpatuloy ngayong araw ng mga rescuer sa Marihatag, Surigao del Sur, ang kanilang search and rescue operation para sa anim na minerong natabunan ng buhay sa rumaragasang mudslide sa mismong treasure-hunting site na kanilang pinaghuhukay.
Ito’y matapos pansamantalang matigil ang kanilang operasyon sa gitna ng patuloy na pag-ulan kahapon sa may Purok Casting sa Barangay Bayan, sa bayan ng Marihatag.
Ayon kay P/Lt. Noel Piong, ang officer-in-charge chief of police sa Marihatag, nilinaw nitong sa mismong sapa naghuhukay ang mga minero kung saan hinarangan lamang nila ito ng malalaking bato, kahoy at lupa, upang ang kaunting tubig ay hindi na aabot pa sa bahagi ng sapa na ginawa nilang treasure-hunting site.
Ngunit dahil sa ilang araw na pag-ulan na hatid ng low pressure area na nasa bisinidad ng Surigao provinces nitong mga nakalipas na araw ay bumigay ang kanilang harang at siyang tumabon sa kanilang hinukay kasama pa ang bulto-bultong tubig.
Tinatayang may lalim na 30 talampakan ang kinaroroonan ng mga minero.
Naglagay na ng backhoe ang lokal na pamahalaan para sa agarang pag-rescue ng mga biktima at umaasa pa rin ang mga search and rescue teams na kanila pang ma-recover na buhay ang nasabing mga minero.