Lumobo na sa 68 ang kumpirmadong bilang ng mga nasawi isang linggo matapos tumama ang magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao.
Sa situational report mula sa NDRRMC ngayong Martes, Hunyo 16, umabot na rin sa mahigit 330,000 pamilya o katumbas ng mahigit 1.3 milyong indibidwal ang apektado.
Sa nasabing bilang, nasa mahigit 4,400 pamilya o mahigit 18,000 indibidwal ang pansamantalang nananatili sa mga evacuation centers.
Mahigit 67,000 ang mga napinsalang kabahayan sa Region 9, Region 11, Region 12 at sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). Sa naturang bilang mahigit 12,000 bahay ang ganap na nawasak habang mahigit 55,000 ang bahagyang napinsala.
Base rin sa damage assessment sa imprastruktura dulot ng mapaminsalang lindol, umakyat na ang halaga ng danyos sa mahigit P148 million. Naitala ang mga pinsala sa Region 6, 11, 12 at Bangsamoro.
Patuloy din ang paghahatid ng gobyerno ng tulong para sa mga pamilyang nangangailangan ng assistance, sa mga lokal na pamahalaan at regional agencies.
















