Umakyat na sa 76 indibidwal ang iniulat na nasawi dahil sa hagupit ng “Bagyong Agaton” habang mahigit isang dosena ang nawawala o missing.
Ito ang iniulat ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) ngayong Maundy Thursday.
Karamihan sa mga fatalities ay dahil sa nangyaring landslide sa ilang mga komunidad sa Eastern Visayas.
Batay sa inilabas na situational report ng NDRRMC, nasa 29 katao ang nawawala o missing at walo ang sugatan.
Sumampa na rin sa kabuuang 920,727 katao o nasa 279,557 pamilya ang apektado mula sa 1,296 barangays sa Bicol Region, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, Davao Region, Soccsksargen, Caraga, at Bangsamoro.
Sa nasabing bilang, 162,467 individuals o 51,920 families ang nananatili sa evacuation centers habang 41,584 individuals o 56,314 pamilya ang nanunuluyan ngayon sa kanilang mga kamag-anak o kaibigan.
Samantala, umabot nasa P134,991,740.13 ang naitalang pinsala sa sektor ng agrikultura sa Western Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, Soccsksargen, at Bangsamoro.
Nasa P1,450,000 naman ang estimated cost of damage sa infrastructure sa Central Visayas at Northern Mindanao.
Nasa 81 roads at pitong tulay ang hindi passable ngayon sa Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, Davao Region, at Caraga.