-- Advertisements --

Pumalo na sa dalawampu ang bilang ng mga nasawi sa pananalasa ng nagdaang bagyong Inday at habagat sa bansa.

Sa pinakabagong situational report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong Lunes, Hulyo 13, isa pa lamang sa mga nasawi ang kumpirmado habang nagpapatuloy pa ang pag-validate sa ibang fatalities.

Ayon sa ahensiya, isang 70 anyos na lolo ang kumpirmadong nasawi matapos malunod sa Barangay Kipaypayon, Quezon, Bukidnon.

Nasa sampu sa napaulat na nasawi ay naitala sa Sarangani, anim sa Lanao del Sur, dalawa sa Bukidnon at tig-isa ang binawian ng buhay sa Iloilo at Davao Occidental.

Samantala, mayroong siyam na katao ang napaulat na nasugatan bunsod ng kalamidad habang nasa 16 na katao ang napaulat na nawawala.

Sa kabuuan, apektado ng pinagsamang epekto ng habagat at nagdaang bagyo ang 146,000 pamilya o katumbas ng 654,000 indibidwal mula sa mahigit 600 barangay sa buong bansa.

Naglabas na rin ang ahensiya ng inisyal na halaga ng danyos sa sektor ng imprastruktura na pumapalo sa P3.18 billion.

Nananatiling kanselado naman ang mga klase sa mahigit 400 siyudad at munisipalidad habang suspendido naman ang pasok sa 48 lokal na pamahalaan dahil sa masungit na lagay ng panahon.