-- Advertisements --

Umakyat na sa 21 ang bilang ng nasawi mula sa bagyong Inday at habagat, kasabay nito nananawagan ang mga residente sa mga binahang komunidad sa southern Mindanao ng agarang tulong.

Tumaas ang bilang ng nasawi matapos kumpirmahin ng rescuers ang pagkakarekober ng tatlong labi sa Barangay Tanuman, Jose Abad Santos, Davao Ocidental.

Ayon kay Jose Abad Santos Mayor Jason John Joyce, kabilang ang mga biktima sa tinangay ng baha na sumalanta sa naturang barangay noong Hulyo 10, na sumira sa mga kalsada at kabahayan.

Nauna nang iniulat ng mga awtoridad na naitala ang siyam na pagkasawi sa Malapatan, pito sa Calanogas at dalawa sa Bukidnon.

Nasa 450 pamilya naman sa Barangay Mudan sa Glan, Sarangani province ang na-displace ng baha at pagguho ng lupa dulot ng halos tatlong araw na walang patid na pag-ulan.

Sa kabuuan, mayroong mahigit kalahating milyong mga residente ang apektado ng malawakang pagbaha sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Sa kasalukuyan, ilan sa mga kinakilangang tulong ng mga apektadong komunidad ay mga pagkain, ligtas na inuming tubig, tents at construction materials para sa pagsasaayos ng kanilang mga nasirang bahay.