NAGA CITY – Kabuuang P87, 500 na halaga ng umano’y shabu ang nakumpiska ng otoridad sa isang 39-anyos na lalaki sa isinagawang drug-buy-bust operation sa Barangay Balakilong, Laurel, Batangas.

Kinilala ang suspek na si Regieh Endozo Landicho na namatay sa operasyon matapos umanong manlaban.

Sa impormasyon na nakuha ng Bombo Radyo Naga sa Batangas Police Provincial Office, nagpositibo umano ang ikinasang operasyon ng otoridad sa nasabing suspek ngunit nang matunugan aniya nito na pulis ang kanyang ka-transaksyon ay bigla umano itong bumunot ng baril at ipinutok sa pulis na nagpanggap na poseur buyer.

Nauwi umano sa palitan ng putok ang operasyon kung saan tinamaan ang suspek na agad naman umanong naitakbo sa pagamutan ngunit idineklara ring dead on arrival ng doktor.

Matapos ang nasabing pangyayari doon na nakumpiska ng otoridad ang nasa 25 gramo ng umano’y shabu.

-- Advertisement --

Narekober rin sa crime scene ang isang caliber 38 na baril, mga ammunitions para sa nasabing baril at isang motorsiklong walang plate number.

Napag-alaman na dati ng naharap sa kaparehong kaso ang suspek ngunit nakalaya nitong nakaraang Nobyembre 2018 dahil sa plea bargaining.