Reading Time: 1 minute
Anne McClain
NASA astronaut Anne McClain

Iniimbestigahan na sa ngayon ng NASA ang sinasabing kauna-unahang krimen na nangyari sa labas ng mundo.

Ito ay matapos na inireklamo si NASA astronaut Anne McClain ng identity theft ng kanyang dating partner.

Nagawa kasing buksan ni McClain ang bank account ni dating Air Force intelligence officer Summer Worden habang nasa International Space Station.

Bagamat wala namang indikasyon na nagalaw o nawawalang pera sa bank account ni Worden, inireklamo nito si McClain sa Federal Trade Commission.

Dinala naman ng mga magulang ni Worden ang naturang reklamo sa Office of Inspector General ng NASA.

Anila, ginawa ito ni McClain para makakuha ng kopya ng financial recfords ni Worden at para makuha ang kustodiya ng kanilang anak.

Gayunman, iginiit ng abogado ni McClain na si Atty. Rusty Hardin na hindi nagnakaw ang kanyang kliyente at handa itong makipagtulungan sa imbestigasyon.

Sinisilip lamang aniya ni McClain ang bank account ni Worden para matiyak na hindi napapabayaan ang kanilang anak.