-- Advertisements --

Matagumpay ang paglulunsad ng Axiom-4 (Ax-4) mission, na isinagawa sa Kennedy Space Center sa Florida, matapos muling magpadala ng Indian representative sa space.

Tampok dito ang pilotong si Group Captain Shubhanshu Shukla, ang ikalawang Indian na nakarating sa kalawakan, at kauna-unahang Indian na bumisita sa International Space Station (ISS).

Si Shukla ay bahagi ng apat-kataong crew na binubuo rin ng mga astronaut mula sa Poland at Hungary — mga bansang muling bumalik sa space exploration matapos ang mahigit apat na dekada.

Pinangunahan ng beteranong astronaut na si Peggy Whitson, dating ISS commander, ang misyon.

Nabatid na ang Axiom-4 ay isang commercial flight na pinatatakbo ng pribadong kumpanya na Axiom Space, katuwang ang NASA, SpaceX, ISRO ng India, at European Space Agency.

Sa kanyang mensahe matapos ang matagumpay na liftoff, sinabi ni Shukla, “We’re back in space after 41 years.”

Ayon sa Indian Space Research Organisation (ISRO), ang karanasang ito ay magiging mahalaga sa paghahanda para sa unang crewed spaceflight ng India sa 2027, plano ng sariling space station sa 2035, at national mission sa buwan pagdating ng taong 2040.

Nagbayad ang India ng 5 billion rupees (humigit-kumulang P3.9 billion).