Halos 55,000 quarantine violators ang naitala sa National Capital Region (NCR) magmula nang maipatupad ang Alert Level 3, base sa datos mula sa Philippine National Police (PNP).
Hanggang kahapon, Oktubre 21, sinabi ng PNP na kabuuang 54,971 violators ang naitala sa Metro Manila, na may daily average na 9,162 violators.
Nasa 55 percent ng mga violators na ito ay binalaan, 37 percent ang pinagmulta, habang walo naman ang nahaharap sa iba pang sanctions.
Kabuuang 40,497 violators o 6,750 kada araw ang lumabag sa minimum public health standards sa NCR sa harap ng COVID-19 pandemic.
Para naman sa curfew, kabuuang 14,126 violators o 2,354 kada araw ang naitala sa Metro Manila.
Aabot naman sa 348 na non-APOR ang nasita rin na nasa labas ng kanilang bahay.
Magugunita na tatagal hanggang Oktubre 31 ang Alert Level 3 sa NCR na nagsimula noon lamang Oktubre 16.