All set na ang Bureau of Corrections (BuCor) sa pagpapalaya sa nasa 500 persons deprived of liberty (PDL).
Ayon kay PAO Chief Persida Rueda-Acosta, tuloy-tuloy daw ang pakikipag-ugnayan nila sa Department of Justice (DoJ) maging sa Bureau of Corrections (BuCor) kaugnay ng paglaya ng mga PDL.
Ito na ang ikaapat na batch at asahan daw na mas marami kaysa sa naunang tatlong batch na napalaya ng pamahalaan dahil sa layuning ma-decongest ang mga piitan sa iba’t ibang panig ng bansa.
Sinabi ni Acosta na naisumite na nila kay BuCor Director General Gregorio Catapang ang listahan ng mga maaari nang makalayang inmate na deserving na makalabas na ng piitan matapos mapagsilbihan ang sintensiya.
Kabilang din sa mga palalayain ang mga overdue na sa kulungan, nakitaan ng good conduct time allowance at iba pa.
Ang mga mapapalaya ay mula naman sa iba’t ibang panig ng bansa mula Luzon hanggang sa Mindanao.
Tiniyak ni Acosta na makalalaya na rin ang mga may sakit, matatanda at ina na may maliliit na anak.
Todo pasasalamat naman si Atty. Acosta kay Justice Secretary Boying Remulla dahil na rin sa kautusan ng kalihim na tuloy tuloy ang pagpapalaya sa mga overstaying inmate na sa kulungan, nakitaan ng good conduct time allowance at iba pa.
Noong buwan ng Setyembre, nasa kabuuang 371 persons deprived of liberty (PDL) ang napalaya ng Bureau of Corrections (BuCor) kasabay ng kaarawan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Nais din ni Remulla na magkaroon ng buwan-buwang pagpapalaya sa mga bilanggong nakapagsilbi na ng sentensya.